Bilang mga Pilipino, hindi pwedeng ‘skibidi’ na lamang ang bigkasin at intindihin
One can’t help but assume that younger Filipinos would automatically understand this sentence. Pero ang pangungusap na ito, maiintindihan kaya nila?
Hindi ito ang unang pagkakataon na binigyang-pansin ang itinuturing na krisis sa pagkawalang interes at kahusayan ng kabataang Pilipino sa kanilang inang wika. Noong 2022, sinikap na mabigyang kalinawan ni Sen. Sherwin Gatchalian kung bakit kulang-kulang na 10% lamang ng mga naturang paaralan sa buong bansa ang handa sa pag-implement ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE), base sa nakaraang survey ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS). Layon sana ng MTB-MLE na maging compulsory ang pagtuturo ng inang wika sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 3.
Anyare ba talaga?
Isinulong ni Gatchalian noong 2022 na pag-aralan ng Department of Education (DepEd) nang mas masinsinan ang implementasyon ng nasabing education curriculum. Ngunit nitong nakaraang taon, siya rin ang isa sa mga nagpanukala na ihinto ang MTB-MLE.
Dinahilan niya—at binigyang katwiran—ang kakulangan sa training ng mga guro at mga materyales na kailangan sa pagtaguyod ng MTB-MLE. Sinabi rin ng senador na ang pagtigil sa paggamit ng inang wika ay “consistent with evidence: that mother tongue-based learning is effective only in monolingual classrooms.”
Dahil dito, Inggles at Filipino pa rin ang gamit na midyum ng pagtuturo sa lahat ng antas hanggang Grade 12. Pero hindi rin ito nangangahulugang bihasa na ang mga mag-aaral sa pag-gamit at pag-unawa ng Inggles at lalo na ng wikang Filipino.
Ayon sa Second Congressional Commission on Education (EdCom2) policy note ng PIDS noong 2023, maraming salik ang natukoy na dahilan ng pagbaba ng kasanayan ng mga mag-aaral. Kasama na rito ang kahirapan at malnutrisyon; ang pagbigay prayoridad sa pagkuha ng diploma kesa sa pagtiyak ng dekalidad na edukasyon; ang kakulangan sa education budget at infrastructure support; ang hindi pagkakatugma ng itinuturo sa mga paaralan at sa kinakailangang skills sa industriya; ang kakulangan sa pag-unlad ng lokal na ecosystem para sa pananaliksik at inobasyon; at ang mismong mababang antas ng edukasyon sa bansa.
Ibinalita rin ng PIDS noong January 2024 ang naturing krisis sa edukasyon sa Pilipinas pagkatapos malaman na may learning poverty rate tayo na umabot ng 90%. Karamihan sa mga Pilipinong mag-aaral ay hindi umabot sa minimum proficiency sa pagbabasa at mathematics—huling huli kung ikukumpara sa pagiging marunong ng mga mag-aaral sa mga karatig bansa. Ito ang naghikayat sa mas malalim na pagsusuri upang matugunan ang nasabing krisis sa edukasyon sa Pilipinas.
Ang mga kinilalang salik ng PIDS ay tumugma rin sa ulat ng Philippine Business for Education noong July 2025. Dagdag pa sa mga nabanggit ay ang napakabigat na workload ng mga guro. Kaya naman sa kanilang State of Philippine Education 2025, nanawagan sila na maging “co-owners” ang nasyonal at lokal na gobyerno upang masolusyonan ang krisis na ito. Isinulong din nila ang decentralized approach para mas ma-empower ang local government units at mga paaralan na mas maging mabilis sa pagtugon dito.
Kahit na may mga panukala mula sa DepEd, tulad ng teacher education reform, hindi natin makikita ang agarang resulta nito—kung ito ba ang tutulong sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa o magiging isang bigong pagsisikap tulad ng MTB-MLE.
‘Standing on business’ ba ang kabataang Pilipino?
Kaya naman naging paksa rin ito ng pag-aaral ng mga Pilipinong mananaliksik. Isa rito ang pagsusuri nina Jubahib at Bayani (2024) tungkol sa paggamit at pagkilala ng mga mag-aaral na Gen Alpha sa kanilang pananalita at kahusayan sa Filipino. At ang kanilang naging resulta ay hindi nalalayo sa kung ano ang gusto nating mapatunayan: iba-iba ang kahusayan ng mga mag-aaral sa paggamit at pag-intindi ng Filipino, at mas sanay at mas magaling sila sa wikang Inggles.
Sa kabila nito, may kapansin-pansing kagustuhan pa rin mula sa kabataang Gen Alpha na panatilihing bahagi ng kanilang pagkakakilanlan ang Filipino. Kaya naman mas isinulong din ng mga mananaliksik ang paggamit ng wikang pambansa sa mga paaralan at pangkaraniwang pag-uusap.
Binigyang diin din nina Ranque et al. (2024) ang paggamit ng wikang Filipino sa komunikasyong pang-akademiko. Natuklasan nila na para sa ibang mag-aaral, ang mababang kahusayan o proficiency sa Filipino ay nagdudulot ng mababang overall grades, at nakakaapekto rin ito sa kanilang kumpiyansa lalo na kapag kailangan nilang humingi ng tulong sa mga guro.
Ang tugon ng agham para sa Pilipino
Merong siyentipikong pruweba na kailangang mas gamitin natin, lalo na ng mga kabataan, ang Filipino sa iba’t ibang pagkakataon—pati na rin sa kaswal na pakikipag-ugnayan. Ngunit limitado ang alam natin sa kung paano napoproseso at naaaral ng ating isipan ang isang wika tulad ng Filipino.
Kaya mas makabuluhan ang bagong pananaliksik na pinangunahan ni Dr. Dave Kenneth Cayado, isang Pilipinong psycho/neurolinguist. Inaral nila kung paano naaapektuhan ang morphological decomposition, o ang proseso ng pagtiyak at pagkilala ng meaning-bearing units ng isang salita, sa pagtukoy ng mga morphemes—pira-pirasong salita—na para bang naglalaro ng tagu-taguan.
Ginamit nila ang wikang Tagalog bilang test case. Kinumpara nila ang iba’t ibang proseso ng pagdudugtong ng unlapi sa salitang-ugat upang malaman kung ang morphological decomposition ay posible kahit sa mga salitang hindi “perfectly segmented” sa morphemes dahil sa malabong prefix-root word boundaries.
Ayon kay Cayado, ang kanyang pananaliksik ay naka-focus sa pagbabasa. Nabanggit din niya na ang mga naunang research sa morphological processing ay nakatutulong na sa pag-unlad ng literacy curriculums sa mga bansa tulad ng United States at United Kingdom. Kaya naman umaasa siya na ang kasalukuyang postdoctoral project niya na ukol sa “morphological processing from a developmental perspective” at ang kanyang ibang research ang magiging batayan sa paggawa ng “mas evidence-based” literacy curriculum sa Pilipinas.
Abot kamay pa ang pag-asa—sa ngayon
Para kay Cayado, malaking dangal na ang pagiging isang Pilipino sa kanyang espesyalisasyon. Ngunit alam niya na napakarami pa ang kailangang pag-aralan upang mas mapaunlad ang disiplina at pagtalakay ng mga wikang Pilipino sa pananaliksik.
“Karamihan sa alam natin tungkol sa linguistics ay nakabatay sa Inggles. Sa ngayon, ang nangyayari ay Tagalog lamang ang nagiging basehan natin sa pag-aaral ng morphological decomposition sa mga wikang Pilipino. Hindi natin gustong mangyari ‘yan,” ani niya.
Kaya naman, isinusulong niya ang linguistic diversity, “It allows us to harness unique features of different languages in order to have a more comprehensive model of language processing.”
Hiling din ni Cayado na ang nasimulan niya ay magiging magandang pundasyon para sa mga susunod na mga pananaliksik sa iba pang wikang Pilipino tulad ng Ilokano, Chavacano, Bikolano, at iba pa.
Sa ngayon, tatatlong pag-aaral pa lamang ang naitala patungkol sa Tagalog morphological processing. Ang dalawa dito, si Cayado at kanyang mga kasamahan ang may akda.
Malinaw na kailangan nina Cayado ng tulong sa paglutas ng krisis sa ating bansa. Pero ang evidence-based solutions ay hindi nakakamtan nang pangmadalian. Kailangang may pondo at suporta para sa pananaliksik at para maipatupad ang mga iminumungkahing solusyon ng mga ito sa bansa.
Ang paghahanap ng solusyon sa ating education at literacy crisis sa Pilipinas ay hindi masalimuot. Ngunit kung kakaunti lamang ang maghahanap nito, hindi imposibleng mas lulubog pa ang barkong sakay ang pag-asa ng ating bayan.