Dahon ng talisay, posibleng solusyon sa maagang pagkamatay ng mga hipon
Ang antibiotic resistance, o ang pagkawalang epekto ng antibiotics laban sa bacteria, ay isang suliraning hinaharap hindi na lamang sa kalusugang pantao kundi pati narin sa mga shrimp o hipon. Dati nang isa sa mga nangungunang exporter ng shrimp ang Pilipinas, ngunit bumaba ang produksyon nito dahil sa mga sakit ng hipon na siyang sanhi ng pagtaas ng presyo nila sa merkado simula 2020.
Kaya naman importanteng makahanap ng mga alternatibong solusyon laban sa mga bacteria tulad ng Vibrio parahaemolyticus na pumapatay sa hipon sa loob lamang ng 30 hanggang 35 na araw mula nang mailagay sila sa grow-out ponds. Kapag nahawaan, ang mga hipon ay nagkakaroon ng acute hepatopancreatic necrosis disease (AHPND) kung saan may malubhang pagkaliit at pagkawalang bisa ng hepatopancreas ng mga hipon. Dahil sa sakit na ito, 43 bilyong dolyar ang nawala sa shrimp farming industry noong 2021. Ito mismo ang pinag-aralan ng Pinoy na siyentipikong si JP Guzman na kasulukuyang MEXT PhD Scholar sa Tokyo University of Marine Science and Technology.
Sanhi at bunga
Isang importanteng bahagi ng pagdevelop ng AHPND ay ang pagbuo ng biofilm—nagkumpulang bacteria na dumidikit sa surfaces. Isang paraan para labanan ‘yung pagdevelop ng biofilm ay ang pagdagdag sa feeds ng mga natural na produktong nakatatanggal ng biofilm sa loob ng katawan ng mga hipon.
Sa pagpili ng natural na produkto na maaaring gamitin, kumuha ng inspirasyon si Guzman sa kanyang personal na karanasan. Habang nakaquarantine noong COVID-19 pandemic, ginawang hobby ni Guzman ang pag-alaga ng mga ornamental na isda. Sa pagsali niya sa mga Facebook groups, natuklasan niyang kinaugalian na ng mga katulad niyang nag-aalaga ng mga ornamental na isda ang paglalagay ng tuyong dahon ng talisay o ang katas nito sa kanilang mga aquarium. Naniniwala silang tinutulungan nito ang mga hipon at iba pang aquatic na alaga na lumaki nang mas maayos, mas malusog, at mas may resistensya laban sa mga sakit. Kilala rin ito sa pagkakaroon ng mga sangkap tulad ng phenolics, tannins, at flavonoids na siyang nakakaapekto sa mga buhay na organismo gaya ng bacteria.
Dahil sa potensyal na benepisyo na bigay ng talisay, sinuri ni Guzman ang epekto nito bilang feeds upang mabigyan ng siyentipikong batayan ang kasanayang ito at para na rin imbestigahan ang epekto ng talisay sa mga hipong kinakain.
Plants versus zombiesbacteria
Kinuha ni Guzman ang katas ng dahon ng talisay at sinuri ang epekto sa pagpigil nito ng pagtubo’t pagkalat ng biofilm at sa paghalo nito sa feeds. Kinuha niya rin ang level of expression ng genes na may kinalaman sa pagpapalakas ng resistensya ng mga hipong pinakain ng feeds na may katas ng talisay.
Natuklasan ni Guzman na bagamat walang epekto ang katas ng talisay sa pagpigil ng pagtubo ng biofilm, mas napapakalat naman niya ito, kaya napipigilan pa rin ang pagdevelop ng AHPND. Bukod dito, ang feeds na may talisay ay nakapagpapataas ng level of expression ng genes na may kaugnayan sa resistensya ng mga hipon. Lalong napatunayan na ang mga epektong ito ay nakakatulong sa survival o kaligtasan ng mga hipon dahil 93% ang nabuhay sa mga hipong may AHPND na pinakain ng feeds na may talisay. Samantala 23% lang ang nabuhay sa mga hipong may AHPND na binigyan ng ordinaryong feeds.
Sa pananaliksik ni Guzman, nakita na may nakakaligtas na epekto ang talisay sa hipon kontra sa impeksyong dulot ng bacteria na V. parahaemolyticus. Malaki ang potensyal nito bilang gamot o feeds na maaaring gamitin para talagang mabigyang solusyon ang AHPND. Ngunit nangangailangan pa rin ng karagdagang pagsusuri para malaman ang eksaktong mekanismo ng epekto ng talisay at mga sangkap nito nang mas maintindihan at magamit ito sa pagdevelop ng feed supplements.